(Tula mula sa aking puso para sa Araw ng mga Guro)
Sa aming mga kamay inihain
Buhay at kinabukasan ng batang hinabilin
Napakadakila natin sa ating paningin
Ngunit sa iba, sino nga ba tayo at di pinapansin?
Tingin ng madla napakadali ng ating trabaho
Malayong mas mahirap daw maging doctor at inhenyero
Ayon sa kanila simple lang naman ito
Magsasalita sa harapan at maghapong nakatayo
Subalit di nila naiintindihan
Ang pasan ng mundo sa amin nakaatang
Paghahanda sa magandang kinabukasan ng kabataan
Kailangan namin itong magampanan
Pagdisiplina sa bata ay hirap ka na
Lalo na’t pananakit sa kanila ay bawal pa
Tiis tiis na lang kahit binabastos ka
Sige lang teacher ika’y magpakadakila
Gusto man naming magpakatotoo pero tayo ay modelo
Sa isip, sa salita, sa gawa kailangang karespe-respeto
Saan man sa mundo ka dadako at tutungo
Magdahan dahan ka at mga mata’y nakatuon sa iyo.
Magpanggap ka na rin na ok kahit hindi
Sa harap ng mga bata ipakita’y pawang mabubuti
Kalungkutan, kahinaan, kapaguran at galit kahit konti
Kailanman di dapat makaapekto sa sarili at sa batang munti.
Maging pangalawang magulang ay kalaking responsibilidad
Dahil hindi lang tayo nakatutok sa kanilang abilidad
Problema nila sa eskwela, bahay at komunidad
Dapat tutukan upang edukasyon ay di mabawasan ang kalidad
Araw araw iba’t ibang bata ang nakakasalamuha
Galing sa iba’t ibang pamilya, may iba’t ibang kakayahan at kultura
Sa ganyang sitwasyon maghanap ka ng magandang istratehiya
Na babagay gamitin upang sa piling mo’y mga bata matuto at maging masaya
Respetong nababagay ating inaasam asam
Bakit ang mga ito’y hirap nating makamtan
Sabi nila, ito’y sa atin nararapat lang
Dahil sila ang nagpapasahod at ito’y kanilang karapatan.
Hindi rin maikakaila na ang oras sa pamilya ay nawawala na
Paggawa ng DLL, pagkwenta ng grado at marami pang iba
Oh Guro kailan ka makapagpapahinga?
Siguro pag ikaw sa mundo’y mawala na.
Bilang isang nagtuturo ang tanging nais ko
Sana sa Buwan ng mga Guro kami ay kilalanin nyo
Munting pasasalamat lang na totoo
Kasiyahan at pagmamalaki ang dulot nito.